"Ilegal na Pagmimina ng Lupa, Nagpapakita na ang Tao’y Sugapa" - DELAS ALAS, Kloe D.

 MAY-AKDA: Delas Alas, Kloe D.


    Katubigan, kalupaan, iyan ang ating kayamanan. Ngunit tila sa paglipas ng panahon siya ang ating nagiging kasiraan. Sa tuwing babanggitin ang katagang “kalikasan,” hindi na luntian at maaraw na umaga ang pumapasok sa ating isipan. Kundi napapalitan ito ng kalbo, mausok at delikadong kapaligiran. Walang makapagsabi kung kailangan nagsimula ang pakasira ng ating kalikasan. Ngunit hahayaan na lamang ba natin na tuluyang mawala ang yamang ipinagkaloob ng Diyos sa ating bayan? Kulang nga ba ang disiplina ng mamamayang Pilipino kaya ipinapapasawalang bahala ang mga nangyayaring kaganapan? 

    Ang Pilipinas ay tinagurian bilang “Pearl of the Orient Seas.” Hindi naman bago sa pandinig na ang bansang ating kinagisnan ay kilala sa ganitong katawagan, kung saan kumakatawan sa isang paraiso sa Timog-Silangang Asya. Tila sa bawat oras na pumapatak, ang kinikilalang paraiso ay hindi na masilayan. Maraming dahilan kung bakit patuloy na nasisira ang ating kalikasan, isa na dito ang illegal mining. Alam ko na lahat tayo ay may ideya kung ano nga ba ang pagmimina. Ito ay tumutukoy sa proseso ng paghuhukay at pagkuha ng mga bagay mula sa ilalim ng lupa. At alam kong batid ninyo na ginto ang siyang pangunahing layunin ng mga minero na makuha sa bawat paghuhukay na kanilang ginagawa. Maaring ang ilan sa atin ay lito kung bakit nga ba kailangan pa isagawa ang pagmimina. Pero sa blog na ito, ipapaliwanag ko ang ilan sa mga sanhi at epekto ng ilegal na pagmimina hindi lamang sa ating mga tao, maging sa mga hayop at kalikasan. 

    Unahin na natin ang mga sanhi. Base sa aking pananaliksik sinasabi na sa paglawak at paglaki ng populasyon ng mundo, hindi maipagkakaila na ang bawat mineral na nakukuha mula dito ay maaring magamit ng ating mga kababayan para sa kanilang kabuhayan. Ang mga mineral na nakukuha nila ay ginagamit sa pang-araw-araw na buhay na nakakatulong sa lahat na magkaroon ng maayos at masaganang pamumuhay. Pero bukod dito, sa kadahilanang sadyang matigas ang ulo ng mga Pilipino kaya’t patuloy pa rin ang pagmimina kahit na ito’y ilegal. Ngayon ay nagbigyang linaw ang ilan sa mga sanhi ng suliraning pangkapaligiran na ito, atin namang bigyang linaw kung ano nga ba ang epekto nito. Nagdudulot ng malaking panganib ang ilegal na pagmimina sa pangkabuhayang sakahan at pangisdaan ng ating mga maralitang kababayan at lalo’t higit sa ating mga kapamilyang katutubo. Naapektuhan din nito ang kalusugan ng mga mamamayang malapit sa lugar kung saan isinasagawa ang pagmimina. Idagdag pa na dahil sa pagmimina permanteng nasisira ang kalikasan gaya ng mga bundok at kagubatan. Nagiging dahilan ito upang mawalan ng tirahan ang iba’t-ibang hayop. 

    Pero hindi pa huli ang lahat. Ikaw, ako, at tayo ay may magagawa pa. May mga solusyon tayong pwedeng maisagawa upang ating maibalik sa orihinalidad na ganda ang ating kalikasan. Ang kailangan lamang nating gawin ay bigyan ng boses at hikayatin ang lahat na itigil ang pamimina. Kahit pa tayo ay may pinakamaraming ginto o iba pang mineral, hindi tayo yumayaman bilang isang bansa dahil patuloy lamang na sinisira ng pagmimina ang halos lahat ng aspekto ng pag-unlad. Ang kailangan natin ay mga batas at programa mula sa pamahalaan. Pero kaakibat ng mga batas na ito ay ang pagsunod at pagpapatupad nito ng mahigpit ng sa ganoong paraan ay maiiwasan natin na magkaroon pa ng mga ilegal pagmimina sa bansa. 

    Nakakalungkot isipin na ang pagkasira ng kalikasan ay pagkasira rin ng buhay nating mga Pilipino. Habang patuloy na hinuhubaran ng mga minahan ang ating kalikasan, mas lalo lamang ipinakita nito kung gaano kagahaman ang mga Pilipino upang mapaunlad ang kanilang sarili. Masyadong makasarili at mangmang ang mamamayan upang hindi mapansin na sa kanila pala nagmumula ang lahat ng suliraning kinakaharap ng ating bansa. Tanging buhay lang natin ang ating iniisip, pagkatapos pakinabangan o kunin ang intensiyon mula sa kalikasan ay wala na tayong pakiralam pa kung ano ang posibleng mangyayari. Puro kasakiman ang ating pinapa-iral, hindi man lang natin nagawang isipin na may halaga at buhay din ang kalikasan. Dadating ang panahon na maniningil ang inang kalikasan sa mga kalokohan na ginawa ng mga tao. Huwag na nating hintayin pa na pati tayong mga mamamayan ng bansa ay mawalan ng tirahan. Dadating ang araw na mula sa malalim na pagkakahimbing ang mga Pilipino ay magigising sa katotohanang na huli na ang lahat. Kaya naman marapat pahalagahan natin ang mga bagay na nasa paligid natin. 

Mga Sanggunian: 
https://www.youtube.com/watch?v=SGiRl8sOpqg 
https://sites.google.com/site/ntmadvocacy/about-us http://pagmimina.blogspot.com/ https://www.facebook.com/berdengpahina/posts/ang-epekto-ng-pagmimina-sa-ating-kalikasan-ang-pagmimina-ay-prosesong-paghuhukay/261318801334531/ https://robert679.wordpress.com/2017/08/20/pagmimina

Comments

Popular posts from this blog

"Yaman ng Pilipinas" - TARRAY, Keira Shanelle M.