"Mundong Gunaw" - RIVERA, Kristin Paula D.

 MAY-AKDA: Rivera, Kristin Paula D.

    Ang mundo ay isang napakagandang paraiso. Mistulang perpektong lupain na mayroong matatayog at mabeberdeng mga puno, paligid ay makulay mula sa kumpol ng mga bulaklak sa halamanan, at mga hayop na malayang nakapaglalakbay sa kapaligiran. Sariwang hangin ang iyong malalanghap. Saan ka man pumunta ay maaamoy mo ang aroma ng mga sampaguita at ilang-ilang. Buong paligid ay napakagandang tanawin, hindi nakakasawang bigyan ng tingin. Ngunit ito ay noon pa. Sa paglipas ng panahon ay unti-unting nagbago ang sansinukob. Naubos ang mga puno sa mga kagubatan. Bilang na lamang ang makukulay na bulaklak sa mga daanan. Ang mga hayop ay nawawalan ng tirahan. Usok na ang malalanghap sa mga lansangan.

    Anong nangyari sa ating kalikasan? Tila sa paglago ng ating kaalaman, sa paggamit naman natin nito sa maling paraan. Masyado tayong nakapokus sa mga bagay na hindi ganun kahalaga, sa puntong nakakaligtaam na natin ang mga bagay na dapat mas binibigyan ng importansya. Sa paglipas ng mga araw, lalong lumalala ang mga suliranin sa global warming at climate change. Dahil sa mga ito, lubos na naaapektuhan ang ating mga pamumuhay. Ang masama pa rito ay ang mga inosenteng hayop na nadadamay. Sa paglala ng mga problemang ito ng ating kalikasan, ilang mga tirahan na ng mga hayop ang nasunog, karamihan sa mga naninirahan ditong mga hayop din ang nasawi. Nakakalungkot isipin imbis sa pagresolba ng mga suliraning pang -kalikasan nakatuon ang pansin para sa mga inobasyon, mas binibigyan nila ng atensyon ang paggamit nito sa walang kabuluhang imbensyon. Oo nga't malaki ang tulong nito sa pagiging madali ng araw-araw nating pamumuhay ngunit hindi ba natin naisip na ang karamihan sa mga bunga nito'y nagdudulot naman ng lalong kasiraan sa ating kalikasan?

    Magkaroon ng pagninilay. Hindi ba't ang unang dahilan kung kaya't nagkaroon ng global warming at climate change ay dahil din sa ating kagagawan? Naging ignorate tayo sa ating mga responsibilidad sa kalikasan. Dahil sa kagustuhan nating umunlad sa kaalaman at teknolohiya, pinababagsak naman natin ang ating kapaligiran. Inuubos natin ang ating mga oras sa mga bagay na walang saysay sa halip na gumawa ng aksyon upang isalba ang ating mundo. Nagpapakasaya tayo sa kabila ng reyalidad na paguho na ang mundo at wala man lamang tayong ginawa upang iligtas ito.

    Sa pagdaan ng mga araw, unti-unti nang nagugunaw ang ating mundo. Ang dating paraiso, napalitan ng gulo. Ang perpektong lupain ay nawalan ng kalinisan. Ang mga matatayog at mabeberdeng mga puno ay bilang na lamang. Ang paligid ay matamlay sa iilang mga bulaklak. Napalitan ng semento ang mga halamanan. Ang mga hayop ay nauubos gaya ng kanilang mga tirahan. Polusyon na ang iyong malalanghap. Hindi mo na maaamoy ang aroma ng mga sampaguita at ilang-ilang. Nakakabagbag-damdamin na ang paligid.

    Ngayon, ano ang tugon? Hahayaan mo bang tuluyang magunaw ang ating mundo, o gagawa tayo ng paraan upang maibalik ang dating paraiso? Paraiso na hinahangad ng karamihan. Bagaman napabayaan, atin itong pagtulungan nang sa gayon ay muli nating makamtan. Gumawa tayo ng aksyon. Sama-sama, makakayanan natin ibalik ang paraiso at maranasan muling sariwang hangin ang malanghap sa pagmulat ng iyong mga mata. Isalba natin ang mundo, huwag nating hayaan ang mundo sa paggunaw.


SANGGUNIAN NG LARAWAN: https://www-psychologicalscience-org/redesign/wp-content/uploads/2017/01/Earth-melting-above-ocean-e1485893153798-1024x635-jpg


Comments

Popular posts from this blog

"Yaman ng Pilipinas" - TARRAY, Keira Shanelle M.