"Pagbabago-bago ng Klima, Sa Atin ay Nakapipinsala" - CAPISTRANO, Zaina Venice R.

     MAY-AKDA - Capistrano, Zaina Venice R. 

    Marahil, kagaya ko, ay nagtataka ka rin kung bakit nga ba sobrang init parin sa Pilipinas gayong malapit na sumapit ang kapaskuhan. Sa halip na malamig na hangin ang dumapo sa ating mga balat, ang nararanasan natin ngayon ay ang nakakapasong sinag at init ng araw. Maraming puwedeng maging paliwanag dito. Maaaring dahil ito sa katotohanang isang bansang tropikal ang Pilipinas. Pwede rin naman nating masabi na ito ay dahil sa heograpiya ng bansa. Ngunit, ang isa sa may pinakamalaking kontribusyon sa pagtaas ng temperatura ay ang climate change. Sa blog na ito ay aking ibabahagi sa inyo ang kahulugan ng climate change. Atin ding bibigyang-pansin ang mga masasamang epekto nito sa ating kapaligiran, pati na rin sa ating mga tao, at ang mga maaari nating gawin upang maibsan ang mga ito. 

    Una, atin munang alamin kung ano nga ba ang climate change. Hindi na ito bago sa ating pandinig sapagkat matagal na itong suliranin ng maraming bansa at kasama na rito ang Pilipinas. Tayong mga Pilipino ang isa sa mga pangunahing apektado sa carbon emissions ng ibang bansa Ang climate change ay tumutukoy sa pabago-bagong klima o panahon sa daigdig. Ito ay sanhi ng mataas na greenhouse gases na s’yang nagpapainit sa mundo. Malaki ang ambag ng mga tao sa labis na paggamit ng mga greenhouse gases. Nagmumula ang mga ito sa mga usok galing sa pabrika o gusaling pang-industriya, paggamit ng langis at uling, mga usok na nagmumula sa sasakyan, pagkakaingin, at ang pagsusunog ng mga basura na s’yang naglalabas ng nakakapinsalang mga kemikal. 

    Ngayon, atin namang pag-usapan kung paano tayo naaapektuhan ng pabago-bagong klima sa mundo. Sa paiba-ibang panahon na ating nararanasan, hindi maiiwasan na tumaas ang posibilidad na magkaroon ng iba’t ibang sakit kagaya na lamang ng dengue, leptospirosis, cholera, at tigdas. Nagbubunga ito ng madalas na pagkakaroon ng bagyo, pagbaha, at pagguho ng lupa. Nakaaapekto rin ito sa mga manggagawa sa sektor ng agrikultura, lalong-lalo na sa mga magsasaka. Dahil sa labis na init, maaaring matuyo ang lupang pansakahan na s’yang magdudulot ng pagkasira ng mga pananim. Bukod pa rito, nakakapagpatunaw rin ang init ng mga yelo sa mga bahaging Hilaga at Timog Polo. Kapag patuloy na mangyayari ito ay tataas ang lebel ng tubig at maaaring maubos ang mga hayop na matatagpuan doon kagaya na lamang ng mga penguin, polar bear, at seal. 

    Labis na tayong naaapektuhan ng climate change sa iba’t ibang paraan. Marami na itong masasamang pinsala sa atin at kinakailangan na nating kumilos upang hindi na ito mas lumala pa. Maaaring imposibleng wakasan ang nakakapaminsalang dulot ng climate change, ngunit marami pa namang paraan upang maibsan ito. Sa mga simpleng gawi katulad na lamang ng pag-rereuse, reduce, at recycle ay malaki na ang maitutulong mo. Mahalaga rin na matuto tayong magtipid ng kuryente at tubig, hindi lang sa loob ng ating tahanan, kundi pati na rin sa ibang lugar na ating pinupuntahan. Kinakailangan rin nating magkaroon ng disiplina pagdating sa mga basura, sa tamang lagayan nito at ang pag-iwas sa pagsusunog nito. Sa ating pagtutulungan at pagkakaisa ay unti-unti nating masosolusyunan ang hamon na ito sa ating kapaligiran. 



MGA SANGGUNIAN: https://unsplash.com/s/photos/TUJud0AWAPI

                                       DILG-Resources-201462-f4096f6afc.pdf

Comments

Popular posts from this blog

"Yaman ng Pilipinas" - TARRAY, Keira Shanelle M.