"Yaman ng Pilipinas" - TARRAY, Keira Shanelle M.
MAY-AKDA: Tarray, Keira Shanelle M.
Alam naman natin na isa ang ating bansa sa masasaganang pinagkukunan ng mga likas na yaman kung kaya't hindi maikakailang isa tayo sa mga kilalang bansa na mayaman dito. Maraming mga dayuhan ang pumupunta upang makita at mahawakan ang mga ito, makakuha ng magagandang mga litrato, at mamangha sa karikitan ng pagkakalikha nito. Mayroon tayong yamang lupa - ilan sa mga ito ay ang palay, buko, tubo/sugar cane, mais, chromite, durian at iba pang mga prutas at gulay. Mayroon din namang mga yamang tubig gaya ng mga isda, kabibe, corals, at mga magagandang perlas. Di rin papahuli ang mga yamang mineral na nahahati sa dalawang kategorya - ang metal at di-metal. At syempre, 'wag nating kalimutan ang mga yamang gubat na binubuo ng mga iba't-ibang uri ng punò gaya ng Narra, Apitong, Bakawan, Molave, Tangile, Yakal, at marami pang iba. Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan lamang sa mga likas na yamang matatagpuan lamang sa ating bansa.
Ngunit alam rin natin na ang ilan sa mga ito ay nanganganib nang maubos dahilan sa ilang mga ilegal na aktibidad na ginagawa ng mga taong abusado at walang kamalayan sa nagiging masamang epekto nito sa ating kapaligiran. Kaugnay na rito ang illegal logging na ginagawa ng mga tao at nagiging dahilan kung bakit nakakalbo ng tuluyan ang isang parte ng kabundukan o kalupaan. Isa pa rito ang dynamite fishing o ilegal na pangingisda Nakakalungkot isiping hindi natin napangangalagaan ng husto ang ating kapaligiran sapagkat hindi natin iniisip kung tama pa ba o masyado nang sobra sa paggamit ng mga ito. Aminin rin natin na minsan, nag-aaksaya lamang tayo at hindi natin nagagamit o nauubos ang mga ganoong bagay lalo't higit sa mga walang kasaysayang pakay. Hindi natin namamalayang unti-unti na pala itong nauubos at nawawala sa ating mundo at hindi man lang nakagawa ng kahit maliit na aksyon upang maibalik ang mga ito. Meron man, ngunit iilan lamang din. At sa kaunting panahon lamang, ay mauubos rin sila. Kaya naman kailangan talaga na ang isang buong pamayanan ay magkaisa upang masolusyunan ito ng sabay-sabay at hindi kaagad maubos ng lubusan. Oo nga't mahirap ang ganitong gawain, ngunit kung para sa ikabubuti ng ating kapaligiran at ekonomiya ay dapat handa tayong humarap sa mga ganitong bagay ng maluwag sa ating kalooban sapagkat tayo rin ang makikinabang nito hanggang sa huli.
May mga iba't-iba tayong pamamaraan kung paano masosolusyunan ang ganitong mga problema, nang sa gayon ay mabawasan ang mga naninira at nang-aabuso sa mga likas na yaman ng ating bansa. Una na rito ay ang pagtatanim ng puno sa mga lugar o parte na bakante upang mapunan ito at maging kaaya-aya sa paningin. Bukod pa roon ay magiging ligtas ang lugar na pinagtaniman sapagkat magkakaroon na ito ng kaligtasan mula sa mga sakuna gaya ng pagbaha; sa pagdami ng mga punong nakatanim ay marami rin ang sisipsip sa umaapaw na tubig-baha. Kaalinsabay nito ang pagbabawal sa pagsusunog sapagkat marami ang nadadamay, hindi lamang ang mga puno, kundi ang buong paligid at kalusugan ng mga tao. Kumakalat ang usok na dumaragdag sa polusyon at nalalanghap ng mga tao.
Ang mga nabanggit sa itaas ay ilan lamang sa mga pamamaraan na alam kong makatutulong upang mapreserba pa rin ang mga likas na yamang natitira sa ating mundo. Bagaman ang ilan pa rin naman sa kanila ay tuluyang dumarami, napakagandang tulong pa rin nito sapagkat hindi kaagad tayo mauubusan ng pagkukuhaan nito at patuloy pa rin tayong makikinabang hangga't hindi rin tayo humihinto sa pagpaparami nito. At gaya nga ng nabanggit, mahirap talagang gampanan ang mga ganitong gawain lalo na't kung para sa kalikasan pero naniniwala rin ako na "Kung gusto, may paraan. Kung ayaw, may dahilan." at kung ayaw nating maranasan ang mga sakunang dulot ng kalamidad, magtulungan tayo upang ang bawat isa sa atin ay ligtas gayon din ng mga likas na yaman sa ating bansa. Matuto tayong pahalagahan ang mga ito sapagkat tayo rin ang nakikinabang dito at kung hindi dahil sa mga ito ay wala sana tayong ikinabubuhay at hanap-buhay na maipantutustos sa pangangailangan ng ating pamilya at ng bawat isa.
MGA SANGGUNIANG GINAMIT: https://tl.wikipedia.org/wiki/Pilak#/media/Talaksan:Silver_crystal.jpg (yamang mineral)
Comments
Post a Comment